Another Boy’s Story: “Bully” (ABS/AGS Extension)
Chapter 1
Masasabi ko na ako na ang pinaka maligayang tao sa buong mundo dahil sa natagpuan ko na siya...
Habang naglalakad-lakad ay naalala ko ang mga nangyari sa buhay ko, mga napagdaanan ko sa buhay bago ako naging ganito kaligaya dahil sa pagmamahal na natagpuan ko sa kanya, pagmamahal na ‘di ko inaasahang mararamdaman ko sa kanya.
At heto na nga ang naalala ko habang naglalakad sa kawalan...
Ganito siguro talaga ang buhay. Sabi nga sa kanta, parang gulong lang iyan, minsan nasa taas ka, minsan nasa ibaba.
Masasabi ko noon na ako ang nasa ibabang parte ng gulong ng buhay na ito.
Pre-school pa lang ako noon ay palagi na akong inaapi ng mga kaklase ko. Ewan ko ba bakit ako na lang palagi ang napagti-tripan ng mga kaklase ko noon kasi alam ko naman noon na hindi totoo ang kinukutya nila sa akin. Alam ko sa sarili ko iyon, hindi iyon totoo!
“Bakla!!!” sigaw mga kaklase ko noon na palagi na lang bumabalik balik sa isipan ko kahit aong pilit kong alisin ito.
Napakasakit ng ganito, iyong tipong pinag-iisipan ka ng iba ng isang bagay na alam mo namang hindi ka naman. Iyong walang respeto ang mga tao sa iyo.
Wala naman akong magawa noon kundi ang umiyak na lang sa isang sulok, walang laban, walang kakampi.
“Susumbong ko kayo kay Nanay!” iyan ang palagi kong sigaw ko sa kanila ngunit pinagtatawan lang nila ako dahil ilang beses ko ng binanta sa kanila ito pero wala namang nagyayari dahil hindi ko naman talaga sila nasusumbong.
Gustuhin ko mang sabihin kay Nanay ang lahat ay hindi ko masabi dahil iyan sa takot ko at lalong lalo na... Wala silang panahon sa akin, iyon ang nararamdaman ko. Minsan nga, naiisip ko na ampon lang siguro ako kasi ‘di na nila ako inaasikaso, tanging mga katulong lang namin ang mga nag-aalaga sa akin ‘di kagaya ng ibang mga bata, hatid sundo sila ng mga nanay nila sa school. Puro na lang kasing negosyo ang inaasikaso nila. Hindi ko naman hinahangad ang napakaranyang buhay eh. Gusto ko lang maramdaman ang pagmamahal ng mga magulang.
‘Di na kasi kagaya ng dati, nung hindi pa sinwerte sina Nanay at Tatay sa negosyong pinasukan eh ako ang palagi nilang inaasikaso dahil ako lang ang tanging anak nila. Noon ay nakukuwento ko pa ang mga masasayang nangyayare sa school namin, pero ngayon, gusto ko mang ikwento lahat ng pang-aapi ng mga kaklase ko ay ‘di ko man magawa.
Nagpatuloy lang pang-aapi ng mga kaklase ko sa akin...
Pero ngayon, masasabi ko na na ako na ang nasa taas.
Pinag-aralan aralan kong maging matapang at hindi pumayag na api-apihin na lang kung sinuman.
Nagulat na lang silang lahat na lumalaban na ako.
Hanggang sa hindi ko na namalayan na ako na pala ang nambu-bully ng mga kaklase.
“Bakla!!!” sigaw ko sa isa kong kaklase. Sa lahat na nakikita kong lalampa-lampa ay iyan na ang naging tawag ko kahit hindi naman talaga sila bading dahil ako ngayon, makisig na, macho, kailangan lang katakutan, ako lang dapat ang lalaking lalaki sa paningin lahat ng babae at wala ng iba.
‘Di ko man din gusto ang ganito, ang mang-api ng iba dahil alam ko gaano ito kasakit dahil napagdaanan ko ang ganito pero kailangan kong gawin para sa sarili ko, nagsawa na kasi ako na ako lang palagi ang naapi.
Ako nga pala si Carlo, Carlo Vicente.
Itutuloy...
0 Comments