Another Boy’s Story [ABS/AGS extension] – Chapter 4
Written by Jordan Dula

Di ko makakailang mahal ko si Jake, kaya nga ako nagiging masaya eh, yun eh dahil sa kanya kahit na di ko kinokonsidera ang sarili ko na bakla o silhalis o kung ano pa man, basta! Ang alam ko sa sarili ko lalaki ako pero mahal ko siya, ang ewan lang enuh? Ngunit ganoon pa man, kahit na sumasaya ang mundo ko nang dahil sa kanya eh parang may kulang, di ako alam kung ano pero… ewan, basta. Siguro gusto ko pa rin bumuo ng sariling pamilya, magkaroon ng asawa… magka-anak… na kung kami na nga ni Jake hanggang sa huli eh imposibleng mangyari. Di ko nga alam bakit ko naiisip to eh, dapat iniisip ko na dapat masaya nako dahil mahal namin ang isa’t isa at wala nakong hahanapin pang iba.

Dahil sa mahal ko nga si Jake ay panay na ang nararamdaman kong selos kay Michael sa t’wing magkausap sila. Alam ko naman na wala dapat akong ikaselos eh dahil akin na si Jake at may Shane na din si Michael.

Nung mag-acquaintance party eh balak ko na pumunta sa bahay nila Jake pagkatapos. Ipagtatapat ko sana sa kanya ang pagseselos na nararamdaman ko pag magkasama sila ni Michael kaya makikiusap sana ako na medyo dumistansya siya ng konte kay Michael pero sa di ko alam eh balak din pala pumunta ni Michael kina Jake dahil hinihiram daw ni Jake ang gitara niya at gusto niyang matuto paano tugtugin ito kaya nung nandoon na kami sa bahay nila Jake eh hindi ko na nasabi kay Jake ang kailangan kong sabihin. Pakiramdam ko pa nga nun eh out of place ako, parang si Michael lang ang kasama niya gayong naroon naman kaming dalawa ni Shane kaya hindi na siguro nakapagtataka na magselos ako ng ganito. Buti nga ngayon di na masyado ang pagseselos ko eh, di ko alam kung bakit, siguro eh dahil na nasanay na akong puro selos nalang ang nararamdaman ng damdamin ko.

Nang pauwi nakaming dalawa ni Shane eh napakatahimik ko lang kaya nagtanong ito bakit wala akong kibo mula pa kanina. Una sabi ko wala lang pero hindi ko rin napigilan ang damdamin ko at naibuhos ko ito, naiyak nako, masakit makitang masaya yung mahal mo sa piling ng iba eh. Kahit anong pilit ko sa sarili na maging masaya para sa kanya eh hindi ko magawa, yung tipong gusto ko ako lang, ako lang yung taong makapagpapasaya sa kanya. Sa aking pagluha eh naramdaman ko ang yakap ng isang nagmamalasakit na kaibigan, kahit paano ay nabawasan ang nararamdaman ko dahil sa naibuhos ko ang bigat kong dinadala.

Naramdaman ko talaga ang pagmamalasakit sa akin ni Shane dahil kinabukasan eh tinext niya ako para kamustahin kung ok na ako, siyempre sagot ko ayos na ako kahit medyo hindi pa, ayoko naman na pati siya mamoblema sa pinagdaraanan ko.

Tok tok tok…

“Breakfast is served bossing!” sabi ni Annie mula sa labas ng kwarto ko kaya lumabas na din ako.

“Good morning bossing!” salubong sa akin ni Annie. Siya nga pala ang anak ni Manang Rosa, kababata ko na yan, nung maliit pa nga kami eh yan ang kalaro ko, boyish nga yan eh, maangas pa nga ata sa akin eh.

“Morning tol.” Sagot ko naman sa kanya na mababa ang tono.

“Wala ka sa mood boss?” pag-uusisa nito. “Chicks nanaman yan noh?”

Napaisip ako, hala! Hindi chika-bebot ang iniyakan ko! lalaki din! Kaya tinikom ko nalang ang bibig ko kung ano pa masabi ko lagot nab aka umabot pa kina Popsy at Momsy baka i-disown pa ako ng mga yon.

Tuloy ang pangungulit lang ni Annie pero wala siyang nakuha saking sagot ni ano.

“Siguro…” sabi ni Annie at humalakhak. “Sabi ko na nga ba eh!”

“Siguro ano?” tanong ko na may halong kaba baka may ideya siya na sa relasyon ko.

“Haahaha” tawa niyang wagas. “Wala… wala, wag’ kang paranoid tol!”

Hindi ko maiwasang maisip na baka alam niya dahil isa din yan sa mga nang-aasar sakin nung bata na bakla ako eh. Pero sabi naman niya dati biro lang yun wag kong seryosohin pero baka alam na nga niya pero di ko dapat wala akong sasabihin sa kanya, kailangan maging maingat.

**************

Isang araw, hindi naiwasan maibulaslas ang sakit na nararamdaman ko kay Jake.

“Nag-enjoy ka ba natulog kasama sa kama Michael” sabi ko tinutukoy ko ang gabing natulog si Michael kina Jake.

Nalaman ko na doon nagpalipas ng gabi si Michael dahil sa bumalik ako sa bahay ni Jake dahil hindi ako mapakali na kasama ni Jake si Michael. Pagdating ko ay bukas pa ang pintuan nila, dumiretso ako sa kwarto niya para puntahan siya, hindi na ako kumatok pa baka magising pa ang nanay ni Jake. Laking gulat ko nalang na si Michael ang naroon at tila mahimbing na ang tulog. Hahanapin ko pa sana kung nasaan si Jake pero hindi ko na kinaya, parang dinurog ang puso ko na malaman ko na magtatabi sila sa pagtulog samantalang ako na nobyo niya eh eto, wala lang, parang basura lang na di napapansin. Umalis na ako ulit sa bahay ni Jake na parang wala lang, walang nakaalam na bumalik ako doon. Pero buti nalang at may isang Shane akong karamay sa aking kalungkutan noon.

Ayun, hanggang sa lumakad palayo sa akin si Jake nang kwestyunin ko pagtulog nilang magkatabi. Pakiramdam ko nang mga sandaling ito ay umalis siya palayo sa akin, hindi ko na hinabol dahil baka lalo lang gumulo ang mga pangyayari, alam ko naman na magiging ayos din naman kami.

Nung araw din na yun ay pinuntahan ko si Shane, wala akong ibang mapuntahan eh at pakiramdam ko siya ang taong makakaintindi sa akin pero iba pala ang magaganap, siya ang nagdrama sa akin. Ibinuhos niya lahat sa sakit ng loob niya sa akin na sa tingin ko ay nakapagpagaan ng kanyang saloobin. Nalaman ko rin na ang dahilan ng pag-aaway nila eh may nakita si Shane na picture sa phone niya na hinahalikan ni  Michael si Jake at may nakasulat dito na “May nagmamahal na ba sayo? SANA’Y AKO NALANG :[ ” hindi na ako gaanong nagulat dahil sa malamang eh nangyari yun nung natulog silang dalawa sa iisang kama.

Ganunpaman, tuloy pa din ang buhay. Lumipas ang gabi at tinanggap ko nalang sa aking sarili na kahit masakit eh siguro hindi kami ni Jake ang para sa isa’t-isa kahit na gaano niya ako napapasaya. Meron talang mga bagay sa mundo na kahit anong pilit mo ay hindi maaari kahit na gaano mo pa ito kagusto o kahit na ano pang gawin mo.

Kinabukasan ay maaga akong gumising para gisingin si Shane, alam ko na wala itong balak pumasok sa school para kukulitin ko ito para pumasok. Siyempre, wala na siyang magawa kundi ang sundin nalang ang nais ko. Napansin ko sa sarili na napapasaya ako ni Shane nitong mga nakaraang mga araw kaya naisip kong tulungan siya sa problema niya.

Itutuloy...